Marahil alam naman natin na ang pagiging isang Ina ang isa sa mayroong pinakamabigat na responsibilidad lahat ay kanilang sinasakripisyo para sa kanilang mga pamilya, Bukod sa hirap ng pagdadalang tao at panganganak hanggang sa ito ay lumaki ay itinataguyod parin ng isang Ina ang kanyang mga anak.
Ibinibigay ng mga Ina ng tahanan ang walang kapantay na pagmamahal at kaya nilang tiisin ang lahat ng pasakit para sa kanilang mga supling ng walang hinihiling na kapalit.
Ang lahat ng mga katangian na ito ay tinataglay ng isang 83-anyos na inang si Jacinta Balagtas o “Nanay Sinta”.
Humanga ang marami at naantig sa kwento ng labis na pagsasakripisyo at pagsisikap ni Nanay Sinta para sa kanyang anak na mayroong kapansanan.
Kahit pa may edad ay hindi inalintana ni Nanay Sinta ang hirap at bigat ng kanyang paghahanapbuhay.
Tulak tulak ang kanyang mabigat na kariton, sinusuong nito ang masikip at malubak na looban ng Navotas upang magtinda ng gulay at kumita ng kakaunting pera para sa kanilang mag-ina.
Napag-alaman na ang anak ni Nanay Sinta na si Kristina ay bulag kaya naman hindi na ito nagawang makatulong sa paghahanap-buhay ng kanyang ina.
Simula alas-4 ng umaga ay nagsisimula na si Nanay Sinta sa paghahanapbuhay, Mamimili ito ng gulay sa Divisoria na siya naman nitong ilalako sa kanilang lugar dakong alas 7 o 8 ng umaga.
Binabalewala nito ang matinding sikat ng araw, maibenta lang ang kanyang mga paninda at umaasang makapag uwi ng kaunting barya.
Kumikita lang daw si Nanay Sinta sa araw-araw ng kanyang pagtitinda ng P200 hanggang P300 piso, na siya naman pagkakasyahin para sa lahat ng gastusin ng kanyang anak na si Kristina.
Madalas ng may iniindang sakit si Nanay Sinta ngunit tuloy pa rin siya sa pagkayod at pagbabanat ng buto.
Ayon sa kaniya, bukod daw kay Kristina ay mayroon pa siyang ibang anak sa probinsya.
Subalit imbis na humingi ng tulong sa kanyang mga anak na may kanya-kanya na ring pamilya ay iniisip pa nito ang kanilang kalagayan.
Ayaw niyang maging dagdag pa siya sa problema ng kanyang ibang mga anak.
“Hangga’t magagawan ko ng paraan ang kabuhayan naming mag ina, gagawa ako ng paraan.”
Tanging hiling nito ay magkaroon ng mahaba pang buhay para ma-alagaan at hindi niya maiwanan ng nag iisa, ang kanyang may kapansanang anak na si Kristina.
Source: GMA Public Affairs
0 Comments