Si Romeo ‘Romy’ Pastrana o mas sumikat sa pangalan na ‘Dagul’ ay nakilala bilang host sa sikat na weekend comedy kid show ng ABS-CBN na Goin’ Bulilit. Siya ay may kondisyon na ‘dwarfism’ na dahilan ng hindi niya paglaki.
Siya ay nakabuo ng pamilya kasama ang kaniyang non-showbiz partner na may normal na taas at biniyayaan sila ng apat na anak, tatlong lalaki at isang babae.
Ang kaniyang tatlong lalaking anak ay may normal na taas at hindi nagmana sa kanya, ngunit ang kanyang nag-iisang bunsong babae na anak ay namana ang kaniyang kondisyon na dwarfism.
Ang kaniyang anak na babae na si ‘Jkhriez’ ay 17 taong gulang na ngayon. Bukod sa kaniyang kondisyon ay lumaki naman itong mabait at masayahing anak, ngunit hindi niya naiwasang makaranas ng pambu-bully noong bata pa siya.
Naalala niya raw noong siya ay nasa elementarya pa lang, mayroon siyang kaklase na sobra ang pang-aasar sa kaniya at below the belt na ang ginagawang pambu-bully.
“Pag nakita daw nila or nakaaway nila ako, hindi daw ako makakalaban kasi isang sipa lang naman daw nila sa akin, tutumba na ako. So naisip ko, hindi ba nila nage-gets yung sitwasyon ko,” pahayag ng dalaga.
Ang ganitong mga pambu-bully ay madalas maranasan ni Jkhriez dahil sa kaniyang kondisyon na pagiging maliit. Naiiba siya sa may karaniwang taas kung kaya naman ay hindi mapigilan ng ilang mga tao na tingnan siya at punahin ang kondisyon niya.
Bagama’t laging nabu-bully ang dalaga, hindi ito naging hadlang para lumaki siyang masiyahin. Makikita sa kaniyang mga instagram post na palagi siyang nakangiti, mayroon din siyang YouTube channel kung saan madalas siyang mag-vlog kasama ang kaniyang ama na si Dagul. Aktibo rin si Jkhriez sa Tiktok katulad ng mga normal na kabataan ngayon.
Hindi rin daw ikinahihiya ni Jkhriez ang kaniyang kondisyon at proud siya sa kaniyang sarili dahil nagagawa niya rin ang mga normal na nagagawa ng taong may normal na taas. Hindi daw naging hadlang ang pagiging maliit niya para magawa ang mga normal na bagay at ang mga bagay na gusto niya tulad na lamang ng pagkanta.
Sa kabila nga ng pagiging maliit ay mayroon palang talento sa pagkanta ang dalaga. Siya ay biniyayaan ng magandang tinig at kaya niyang kantahin ang matataas na kanta at abutin ang matataas na tono.
Noong isang taong gulang pa lamang si Jkhriez ay nadiskubre ng kaniyang ina ang talento niya sa pagkanta. Simula noon ay lagi na siyang nag-eensayo at sumasali sa ibat-ibang patimpalak sa pagkanta, at naiimbitahan din siyang kumanta sa mga fiesta at events sa barangay.
Sinubukan din niyang mag-audition sa Star Hunt ng ABS-CBN noon ngunit hindi siya pinalad na makapasa. Hindi naman ito nakaapekto sa kaniya at patuloy parin siya sa pagkanta. Bukod sa galing niya sa pagkanta ay mahusay rin si Jkhriez sa pag-aaral. Madalas nga itong makatanggap ng mga parangal sa kanilang paaralan dahil sa pagiging honor student niya.
Ang kaniyang tatlong mga kuya naman na may normal na taas ay maganda ang pakikitungo sa kanya. Siya daw ay itinuturing na parang prinsesa dahil sya lamang ang nag-iisa nilang kapatid na babae at bunso pa.
Ito ang ilan sa mga komento ng netizens tungkol kay Jkhriez:
“Isa sa positive people na nakita ko. Love the smile. The quality of thinking reflects in the quality of her face. Amazing!”
“Maganda, mabait, may talent din siya.”
“Kung hindi lang siya maliit, madaming magkakandarapa sa kaniya dahil maganda siya. I like her dimples and her smile. Sana bigyan siya ng chance na magkaroon ng movie or teleserye.”
“Actually, Dagul’s daughter is so pretty and lovely, even she is small.”
Kamakailan nga lamang, sa isang episode ng Eat Bulaga na ‘Bawal Judgmental’ noong June 17, 2021, ibinahagi ni Dagul kung paano siya bilang isang ama sa kaniyang mga anak.
“Actually mahirap talaga dahil ako maliit lang, yung tatlong anak ko ay lalaki pero dinadaan ko na lang sa malaking boses. Sinasabi ko naman sa kanila kahit ganito ang tatay niyo, kayong malalaki makinig naman kayo,” pahayag ni Dagul.
Dahil sa nagyayaring pandemya ngayon at sinabayan pa ng pagsasara ng ABS-CBN ay nahihirapan daw si Dagul na makahanap ng trabaho ngayon, kung kaya’t hindi na siya napapanuod sa telebisyon at naghihintay pa siyang may mag-alok ng proyekto sa kanya.
The post Bunsong Anak Ni Dagul, Bukod Tanging Nakuha Ang Taas Ng Kanyang Ama appeared first on Light Feed.
Source: Light Feed
0 Comments